Jueteng payola itinanggi ni Verzosa

MANILA, Philippines - Humarap na kahapon sa Senado si dating Philippine National Police (PNP) chief Jesus Verzosa kung saan itinanggi niya na sangkot siya sa jueteng.

Ayon kay Verzosa, walang katotohanan ang akusasyon na siya ang isa sa top recipient ng jueteng payola base sa pagbubunyag nina retired Archbishop Oscar Cruz at Sen. Miriam Defensor-Santiago. Iginiit niya na nilabanan nito ang iligal na sugal noong siya pa ang namumuno sa PNP at naglabas pa siya ng rekomendasyon sa pamunuan ng National Police Commission kung paano sugpuin ang iligal na sugal.

Inamin naman ni Verzosa na kilala niya ang dalawang personalidad na nakakaladkad din sa jueteng na sina Rey Cachuela and Ely Fontanilla.

Si Cachuela umano ay isang retiradong opisyal ng PNP na nakatrabaho niya noong aktibo pa siya sa serbisyo, samantalang si Fontanilla ay kaibigan ng ilan niyang kaibigan.

Dumalo rin sa hearing sina Pangasinan Governor Amado Espino Jr., at Baguio City Mayor Mauricio Domogan na mariin ding pinabulaanan na operator sila ng jueteng.   

Humarap din sa hearing si dating Pampanga Gov. Among “Ed” Panlilio na nagpahayag na ang sugal na Small Town Lottery (STL) na pinapatakbo ng PCSO ang dahilan kung bakit lalong namamayagpag ang jueteng sa bansa.

Show comments