MANILA, Philippines - Dahil labis umanong pinahihirapan ang mga guro na nagdiwang kahapon ng World Teachers’ Day, iginiit ng isang senador na buwagin na lamang ang Government Service Insurance System (GSIS).
Sinabi ni Senator Teofisto Guingona Jr., sa kaniyang privilege speech na hindi naman natutugunan ng GSIS ang pangangailangan ng miyembro partikular ang pagbibigay ng benipisyo sa mga guro.
Ayon kay Guingona, ang layunin ng batas na nagbuo sa GSIS ay tiyakin at siguruhin na may maayos na paseguro o insurance ang mga guro at kawani ng gobyerno.
Inihalimbawa ni Guingona ang inaasahang P60,000 na makukuha sana ng isang Teacher Luz Sibonga na 15 taong nagtuturo sa Baesa High School mula sa cash surrender value subalit umuwi siyang luhaan matapos singilin ng GSIS sa kanyang dapat sana’y maturity benefits ang nakaparaming utang, partikular na ang premium in arrears.
Ang suma-tutal, eksakto ang halaga ng kanyang di-umano’y utang sa dapat niyang makukuha kaya wala siyang nakuha ni singko sentimos na bunga sana ng 15 taon niyang paghihirap.