Sa halip suwelduhan, pinagbabayad sa OJT, nursing grads pinagkakakitaan ng ilang ospital
MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng Senado ang umano’y pananamantala ng ilang ospital sa mga bagong registered nurses at mga nursing graduates bilang “on-the-job-trainees” dahil sa halip na suwelduhan sila pa ang hinihingan ng bayad.
Sa Senate Resolution No.166, sinabi ni Senator Pia Cayetano na maituturing na isang uri ng exploitation ang ginagawa ng ilang ospital dahil pinagkakakitaan pa ng mga ito ang pangangailangan ng mga bagong nurses na magkaroon ng work experience at certification.
Ayon kay Cayetano, ang Pilipinas ngayon ang itinuturing na number one source ng mga nurses sa mundo kaya patuloy na dumarami ang nag-eenrol sa mga nursing schools.
Dahil kailangan ng mga bagong nurses na magkaroon ng dalawang taong work experience bago makapagtrabaho sa mga ospital sa ibang bansa, sinasamantala naman umano ito ng ibang ospital kung saan ang mga nurses pa ang nagbabayad sa kanilang OJTs habang ang iba naman ay sinusuwelduhan ng mas mababa sa minimum wage.
Ayon sa report, may mga OJT nurses ang nagbabayad ng mula P5,000 hanggang P7,000 para sa kanilang training/certification depende sa ospital.
Sinabi ni Cayetano na maanomalya ang nasabing kalakaran na naging “money-making scheme” ng ilang ospital.
- Latest
- Trending