Water usage tax kinuwestiyon ni Enrile
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni Senate President Juan Ponce Enrile ang isinusulong na ordinansa ng Lungsod ng Maynila na magpatupad ng water usage tax, gayundin ang paghingi sa pahintulot ng alkalde na maglaan ng lupa upang mas palawakin ang daungang sakop ng Port of Manila. Ang reaksyon ni Enrile ay kaugnay sa Draft Ordinance No. 7255 na inakda ni Manila Vice Mayor Isko Moreno.
Sa ordinansa, inaatasan ang lahat ng port operators dito na sumingil ng P5,000 kada araw sa lahat ng domestic at foreign vessels na dadaong sa katubigang sakop ng Maynila. Hindi palalabasin ang mga sasakyang pandagat na nakadaong hangga’t walang clearance ang mga ito na magpapatunay na bayad sila sa water usage taxes.
Kung babasahin anya ang Ordinance No. 8107 o ang “Water Code of the City of Manila, may basehan ang ordinansang inakda ni Moreno.
Gayunman, ayon sa Presidential Decree 857 o ang inamiyendahang PD 505, ang Philippine Ports Authority (PPA) lamang ang may kapangyarihang kumontrol, mag-superbisa at magpatupad ng kaukulang regulasyon sa lahat ng daungan sa bansa, mapa-publiko o pribado.
Ani Enrile, kung papayagang ipatupad ang ordinansang ito, lahat ng lokalidad ay maaaring sumunod at posibleng magpataw pa ng mas mataas na water tax charges, sa layuning mapataas ang koleksyon sa buwis ng iba’t ibang munisipalidad sa bansa.
Nilinaw ng senador na ang nasabing lupa na hinihiling ng lungsod ng Maynila ay nasasailalim sa public land laws ng bansa at maaaring kunin ng estado kung kinakailangan. Nangangahulugan, wala alinman sa Public Estates Authority o sa Philippine Reclamation Authority, lalo na sa Lungsod ng Maynila ang pinapahintulutang umangkin sa nasabing lupain.
- Latest
- Trending