Bagong PNP chief ikinonek sa jueteng

MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan kahapon ng bagong luklok na si Philippine National Police (PNP) Chief Deputy Director General Raul Bacalzo ang akusasyon ng isa pang jueteng whistleblower na si Sandra Cam na umano’y protektor ito ng naturang illegal number game.

Sa panayam ng PNP Press Corps, sinabi ni Bacalzo na hindi niya kilala si Cam at wala siyang nalalaman sa mga alegasyon at kung ano ang motibo nito.

Kasabay nito, hinamon ni Bacalzo si Cam na mag­lutang ng ebidensya sa halip na dumakdak ng walang batayan at handa siyang harapin ito.

Base sa alegasyon ni Cam, hindi niya maintindihan ang Pangulo kung bakit si Bacalzo ang hinirang nitong successor ni dating PNP chief Jesus Verzosa gayong protektor umano ito ng jueteng.

Sa expose ni Cam, sinabi nito na narinig niya sa isa ring jueteng whistleblower na si Boy Mayor na protektor umano ng jueteng si Bacalzo. Si Mayor, isa ring jueteng scam whistleblower noong 2005 sa Senado ay napatay nitong Pebrero 28, 2010 matapos na pagbabarilin sa Pasay City.

Ang bagman ni Mayor na si alyas Boy Tangkad ay pinagbabaril at napatay naman sa Quezon City noong 2009.

Show comments