Laguna lake sagot sa krisis sa tubig
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng isang non-governmental organization (NGO) na nagtutulak sa rehabilitasyon ng Laguna Lake na mareresolba nito ang krisis sa inuming tubig ng Metro Manila at mga karatig lalawigan sa oras na maisakatuparan ang proyekto.
Sinabi ng Pamana Lawa na hindi lamang paghuhukay at pagpapalalim ang target ng “Laguna Lake Rehabilitation Project” ngunit ang posibleng pagkukunan ng inuming tubig at matigil ang matinding pagbabaha sa Metro Manila tuwing tag-ulan.
Inaasahan naman na magkakaroon ng pag-unlad sa mga bayan sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, Quezon, at mga lungsod ng Las Pinas, at bayan ng Pateros na nasa gilid ng lawa dahil sa planong paglalagay ng 30-metrong lapad na kalsada na may 12.5 metro “above sea level”.
Sinabi ni Domeng Gonzaga, tagapagsalita ng Pamana Lawa, na ang patuloy na banggaan sa politika ang humaharang para sa pagsasakatuparan ng proyekto.
Samantala, hindi naman umano dapat mangamba ang mga pamilyang mapapaalis sa kanilang tahanan na nasa gilid mismo ng lawa dahil sa ililipat ang mga ito sa itatayong “relocation areas” na malapit rin sa Laguna Lake.
- Latest
- Trending