MANILA, Philippines - Walong dioceses mula sa Luzon at Visayas ang umano’y tumatanggap din ng jueteng payola, pagbubunyag ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz.
Gayunman muling tumanggi si Cruz na pangalanan at magbigay ng iba pang impormasyon patungkol rito.
Ipinaliwanag ni Cruz na karaniwan sa mga ito ay nagagamit bilang mga donasyon sa simbahan, na nakakatulong naman ng malaki lalo na kapag may mga kalamidad.
Bukod sa dalawang opisyal na malapit kay Pangulong Noynoy Aquino na tumatanggap ng malaking halaga mula sa mga operator ng jueteng ay may lima pang gobernador, undersecretaries, assistant secretaries at ilang heneral ang tumatanggap din ng jueteng payola.
Bagama’t handa, wala din balak sa ngayon ang anti-jueteng advocate na pangalanan ang mga ito pero sinabi ni Cruz na matataas na opisyal ang mga ito at hindi pipitsugin lamang.
Iginiit din ni Cruz na dapat ay magtrabaho ang pamahalaang Aquino at alamin kung sinu-sino ang mga naturang opisyal upang hindi naman masayang ang milyun-milyong pisong intelligence fund ng pamahalaan, at huwag lamang na umasa sa kaniya.
Hindi rin interesado si Cruz sa mga pagdinig na ipapatawag ng Kongreso kaugnay sa isyu ng jueteng.
Ayon kay Cruz, tiyak naman na wala ring mangyayari kahit magsagawa ng mga pagdinig ang dalawang kapulungan ng Kongreso tulad ng mga nakaraang administrasyon.
Nadala na rin naman aniya siya sa mga pagtestigo at pagbunyag laban sa mga sangkot sa jueteng dahil noong araw ay ginawa na niya ito, kasama sina Sandra Cam at Boy Mayor, ngunit wala naman aniyang nangyari.
Nauwi pa aniya ang insidente sa pagkamatay ni Mayor at hanggang ngayon ay hindi pa batid kung sino ang may kagagawan nito. (Doris Franche/Mer Layson)