5,012 kukuha ng Bar exams
MANILA, Philippines - Umaabot sa 5,012 law graduates ang kukuha ng 2010 Bar examinations na uumpisahan ngayong Linggo at sa mga susunod na Linggo ng buwan ng Setyembre na gagawin sa De La Salle University sa Taft Avenue, Manila.
Ayon kay Deputy Clerk of Court at Bar Confidant Atty. Ma. Cristina Layusa, sa kabuuang 5,038 petitions na kukuha ng Bar, pito rito ang ibinasura, 19 ang nag-widraw kaya bumaba ang bilang ng examinees sa 5,012 habang sinusulat ang balitang ito.
Idinagdag pa ni Atty. Layusa na nagtalaga ang Korte Suprema ng 1,200 personnel kabilang ang building coordinators, superintendents, supervisors, headwatchers, watchers, Bar assistants at special assistants na tutulong upang masiguro na magiging matagumpay ang exams na gagawin sa Setyembre 5,12,19 at 26.
Hinikayat naman ni Atty. Layusa na dumating ng maaga ang mga examinees dahil sa mayroong annual Alay Lakad sa kahabaan ng Roxas boulevard na maaring makaapekto sa daloy ng trapiko samantalang magbubukas ang gate ng DLSU alas-5 ng umaga sa araw ng pagsusulit.
Isasarado ang southbound portion ng Taft Ave. mula Quirino Ave. hanggang Pablo Ocampo Sr. (dating Vito Cruz) simula alas-4 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon.
- Latest
- Trending