Passport ni Ping kanselado na!
MANILA, Philippines - Tuluyan nang kinansela ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang regular at diplomatic passports ng nagtatagong si Senador Panfilo Lacson.
Ang kanselasyon ay kasunod ng kahilingan ng Department of Justice (DOJ) sa DFA, bilang bahagi ng mga hakbang na dapat isagawa upang mapabalik sa bansa ang senador.
Nauna rito, anim na buwan na ang nakalilipas ay nagpalabas ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 18 ng warrant of arrest laban kay Lacson, kaugnay ng kinakaharap nitong Dacer-Corbito double murder case.
“The NBI and the Secretary of the DFA are directed to take the proper steps in order that Senator Lacson, who is alleged to be out of the country, may be brought back to the Philippines pursuant to the warrant of arrest issued by this court so that he can be dealt with in accordance with law,” anang kautusan ng korte.
Si Lacson ang itinuturong mastermind sa pagdukot at pagpatay sa dating publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito, noong November 24, 2000.
Noong Enero 5 ay lumabas ng bansa si Lacson, dalawang araw bago naghain ng dalawang bilang na kaso ng murder ang DOJ laban sa senador at bago naresolba ang nakabinbin nitong motion for judicial determination of probable cause.
Pebrero 5 nang ipalabas ng hukuman ang warrant of arrest, at Pebrero 9 naman nang sulatan ni dating Justice Secretary Agnes Devanadera ang DFA upang hilingin na kanselahin ang pasaporte ng senador, matapos itong tumangging bumalik sa bansa, kahit pa nakaabot sa kaalaman ang pagpapalabas ng arrest warrant ng korte.
“In view thereof, Senator Lacson may already be considered a fugitive from justice, thus, warranting the cancellation of his passport pursuant to the Philippine Passport Act of 1996,” ani Devanadera sa liham.
Agosto 5 naman nang lumiham si Justice Secretary Leila de Lima, na pumalit kay Devanadera, sa DFA upang ulitin ang kahilingan.
Una na ring humiling ang pamilya Dacer sa DFA para sa kanselasyon ng pasaporte.
Ayon sa DFA, ipinabatid na nito kay Lacson sa pamamagitan ng isang liham na ipinadala nito noong Agosto 12 sa kaniyang residence address at sa kaniyang Senate office, at sa tanggapan ng kaniyang legal counsel, ang kahilingan ng DOJ at NBI ngunit hanggang sa ngayon ay hindi umano nakipag-komunikasyon ang senador sa kanila, sanhi upang kanselahin na ang pasaporte.
Ayon sa DFA, alinsunod sa Republic Act 8239 o Philippine Passport Act of 1996, ang pasaporte ay maaaring kanselahin kung ang may-ari nito ay fugitive from justice, convicted sa criminal offense, at kung ito’y nakuha ng may halong panloloko, o pandaraya.
Samantala, dumistansiya ang Malacañang at ilang senador sa ginawang pagkansela ng DFA sa pasaporte ni Lacson.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Ricky Carandang, dapat hayaan na lamang sa korte at sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang kaso ni Lacson. (May ulat ni Malou Escudero)
- Latest
- Trending