GMA, witness ng depensa sa Maguindanao masaker
MANILA, Philippines - Pinangalanan ng ilang miyembro ng pamilya Ampatuan na akusado sa Maguindanao masaker si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang isa sa mga saksi na nais nilang magdepensa para sa kanila.
Ayon sa record ng korte, si Mrs. Arroyo ay isa sa mahigit 300 potential witnesses na nais magdepensa sa mga Ampatuan sa ginanap na oral manifestation sa hearing noong Huwebes.
Ang pagsasama kay Mrs. Arroyo bilang saksi para sa depensa ay kinumpirma naman ng prosecutor ng Department of Justice na miyembro ng prosecution panel sa kaso.
Bukod kay Mrs. Arroyo, ilan pa umano sa kilalang tao na witness ng depensa sina dating Defense Sec. Gilbert Teodoro, dating Press Sec. Jesus Dureza, dating presidential political adviser Gabriel Claudio at Prospero Pichay.
Pinangalanan din bilang mga abogado ng mga akusado bilang defense witnesses sina dating AFP Eastern Mindanao Command chief Lt. General Raymundo Ferrer at incumbent DoJ Sec. Leila de Lima.
Gayunman, hiniling ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes sa mga abogado ng mga akusado na mag-submit muna ng isang formal pleading na naglalaman ng kumpletong talaan ng mga posibleng witnesses ng depensa.
Hindi naman natuloy ang pagdinig sa kaso kahapon at na-reset sa Agosto 11.
- Latest
- Trending