Take-over sa PAL, puwede - Chiz
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Sen. Francis Escudero na i-take over ng gobyerno ang operasyon ng Philippine Air Lines (PAL) kung hindi maaayos ang gusot nito sa pagitan ng management at mga empleyado.
Ayon kay Sen. Escudero, bagama’t maituturing na “last resort” ang pag-take over ng gobyerno sa PAL sa gitna ng ginawang pagbibitiw ng mga piloto, hindi naman ito imposibleng mangyari kung malalagay sa alanganin ang ekonomiya at imahe ng bansa.
Maging si Sen. Ralph Recto ay naniniwala na may kapangyarihan ang estado na i-take over ang PAL kung hindi maayos ang sitwasyon.
Pero naniniwala si Sen. Recto na maaari namang daanin sa maayos na usapan ang lahat lalo pa’t nakialam na si Pangulong Noynoy Aquino.
Pinulong kahapon ng kinatawan ni Pangulong Benigno Aquino ang PAL management gayundin ang PAL pilots at flight attendants nito kaugnay sa nangyayaring gusot.
Umaasa ang Malacanang na magkakaroon ng amicable settlements ang PAL management at empleyado nito.
Naniniwala si Escudero na puwedeng mag-utos ng back to work ang DOLE sa mga piloto at flight attendants nito.
Sinalungat naman ni Escudero ang pahayag ni P-Noy na pag-aaralang kasuhan ang mga piloto na nag-resign na naging dahilan ng kakulangan ng piloto na nagresulta sa pagkansela ng maraming flights nito.
Samantala, nais paimbestigahan naman ni Sen. Bong Revilla ang sinasabing mass resignation ng mga piloto ng PAL.
Sa kabilang dako, iginiit naman ng Malacañang na hindi ito papayag sa anumang alok ng PIATCO lalo’t labas ito sa naging kautusan ng korte matapos manalo ang RP sa kaso nito ukol sa NAIA terminal 3.
- Latest
- Trending