Skin whitening products na may mercury kalat pa rin
MANILA, Philippines - Nagkalat pa rin umano sa merkado ang ilang skin whitening products na una nang ipinag-utos ng Food and Drugs Authority (FDA) na ipagbawal at kumpiskahin dahil sa pagtataglay ng mataas na level ng mercury.
Ito ang ibinunyag kahapon ng EcoWaste Coalition, isang grupo na nangangampanya para sa chemical safety.
Ayon sa EcoWaste, nagpakalat sila ng “AlerToxic Patrol” mula Martes hanggang Huwebes (July 13-15) upang beripikahin kung sinusunod ba ang tatlong kautusan ng FDA na nagba-ban sa 23 skin lightening products na may mercury at makakasama sa kalusugan ng mga taong gagamit nito.
Natuklasan naman umano nila sa kanilang imbestigasyon na nagkalat pa rin sa store shelves ng ilang tindahan ang mga naturang whitening creams na blacklisted na ng FDA.
Ilan sa mga produktong mabibili pa rin sa merkado ng may resibo kahit pa ipinagbabawal na ito ng FDA ay ang 1) Beauty Girl Double White Collagen Elastin Whitening Night Cream, 2) Doctor Bai Skin Revitalizing Skin Brightening Cream, 3) Glutathione Grapeseed Extract Whitening and Anti-Aging Cream, 4) JJJ Magic Spots Removing Cream, 5) Shengli Day and Night Cream, 6) S’Zitang Cream, at (7) Jiaoli Miraculous Cream.
Ang unang anim na produkto ay kabilang sa ipina-ban ng FDA noong Hunyo 16, 2010 habang ang Jiaoli ay noong Pebrero 9, 2010 pa ipinakukumpiska ng ahensiya.
Kabilang sa mga lugar na tinungo ng AlerToxic Patrol at nabilhan nila ng mga banned products ay ang mga tiangge, food supplement kiosks, beauty shop at mga Chinese drug stores sa Quiapo, Sta. Cruz at Divisoria (168 Mall) sa Maynila, (Guadalupe Shopping Complex) sa Makati City, (Farmer’s Plaza) sa Quezon City at maging sa Angono, Rizal.
Bunsod nito, muling nanawagan ang EcoWaste sa pamahalaan na paigtingin ang operasyon laban sa mga nabanggit na produkto at pinayuhan ang publiko na iwasan na ang pagbili ng mga naturang pampaganda.
Ipinaliwanag ng EcoWaste na ang mercury, ay isang uri ng kemikal na ipinagbabawal na dahil sa panganib na dulot sa nervous system, kabilang ang developing brain ng fetus.
Ang mga anak ng mga ina na gumagamit ng mercury-containing skin lighteners tulad ng sabon at mga cream ay may panganib umanong maging mentally at physically impaired.
- Latest
- Trending