MANILA, Philippines - Uminit ang ulo kahapon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa PAG-ASA dahil sa palpak nitong weather bulletin kaugnay ng bagyong Basyang.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa ginanap na meeting ng Disaster Risk Reduction Monitoring Council (DRRMC) sa Camp Aguinaldo kahapon, nabulaga ang residente ng Metro Manila sa malakas na paghagupit ni Basyang.
Nagalit si P-Noy kay Frisco Nilo ng PAG-ASA dahil sa mabagal nitong pagbibigay babala sa taumbayan kaugnay sa pananalasa kahapon ng madaling araw ng bagyong Basyang.
Ikinatwiran ni Nilo kay Pangulong Aquino na ang kapasidad lamang ng PAG-ASA ay tuwing ika-anim na oras subalit hindi ito katanggap-tangap sa Pangulo.
Uminit ang ulo ng Pangulo dahil hindi nakapagbigay ng maagang warning ang PAG-ASA.
Inatasan din ni P-Noy si DSWD Sec. Dinky Soliman na tiyakin na may matitirhan ang mga evacuees na nasalanta ni Basyang sa Isla Puting Bato sa North Harbor, Maynila.
Inatasan din kahapon ni Aquino ang Philippine Coast Guard (PCG) na bumuo ng sistema na magbibigay ng babala sa mga mangingisda na naabutan ng bagyo sa karagatan.
Hindi tinanggap ni P-Noy ang katwiran ng PCG na nagbibigay sila ng maritime warning sa mga barko bago pa man dumating ang bagyo.
Ayon kay Aquino, hindi matatanggap ng mga maliliit na mangingisda ang warning na ito kung sila ay naglalayag sa karagatan at inabutan ng bagyo.