Faeldon sumuko na
MANILA, Philippines - Dala ang pag-asang makakamit na ang hustisya sa bagong administrasyon ni Pangulong Aquino, sumuko na sa mga awtoridad ang puganteng si Marine coup plotter Captain Nicanor Faeldon na mahigit 3 taong nagtago sa batas.
Sa press briefing kahapon sa Villa Christina Resort sa Antipolo City, sinabi ni Faeldon na handa na siyang humarap muli sa paglilitis at tiwala siyang gugulong na ang hustisya hindi lamang sa kinakaharap niyang kaso bunga ng pag-aaklas sa dating gobyernong Arroyo kundi sa lahat ng mga taong naapi sa ilalim ng rehimen nito.
Sumuko si Faledon sa kanyang superior na si Philippine Marine Commandant Major Gen. Juancho Sabban. Kasalukuyang nasa custody ngayon ito ng Philippine Marines.
May kasong kudeta sa civilian court gayundin sa military court si Faeldon na kabilang sa may 300 junior officers na sundalo na umukopa sa Oakwood Hotel sa Makati City noong 2003 kung saan ay hiniling nila ang pagbibitiw ni dating Pangulong Arroyo.
Tumakas si Faeldon noong 2007 matapos itong dumalo sa kanyang hearing sa Makati City at nagtago. Si Faeldon ay may patong sa ulong P1-M.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Sabban na walang VIP treatment kay Faeldon.
- Latest
- Trending