Mga buntis, may sakit sa Morong 43 hiling na palayain
MANILA, Philippines - Sa ikalimang buwan ng detensyon ng Morong 43, giniit ng mga kaanak ng mga nakakulong na health workers kay Pangulong Noynoy Aquino na palayain na ang mga ito.
Partikular na hinihiling nila ang paglaya ni Judielyn Carina Oliveros at Mercy Castro na kabilang sa mga inaresto sa Morong, Rizal noong Pebrero dahil ang mga ito ay buntis at nakatakda na umanong manganak.
Si Oliveros ay takdang manganak ngayong Hulyo samantala si Castro ay sa Oktubre.
Sinabi ni Dr. Julie Caguiat, tagapagsalita ng grupo, na bukod sa dalawang manganganak ay mayroon ding may sakit sa Morong 43 na patuloy na nakakulong sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
Kung talaga umanong rumirespeto sa karapatang pantao ang Aquino administration ay nararapat na bigyan ng pansin ang kalagayan ng mga ito at bigyan ng humanitarian consideration.
Ipinapaalala pa ni Caguiat kay Pangulong Aquino na dinanas din ng pamilya Aquino ang dinaranas ngayon ng mga pamilya ng Morong 43 noong si dating senador Benigno “Ninoy” Aquino ay political prisoner sa ilalim ng rehimeng Marcos.
- Latest
- Trending