Dinampot na kasama ire-'rescue': MPD nilusob ng mga magsasaka
MANILA, Philippines - Nagkagirian ang mga pulis at mga raliyista nang pwersahang pumasok sa loob ng MPD Headquarters ang mahigit 50 sa kanila upang i-rescue umano ang kasamahang dinampot sa kanilang hanay nang magsagawa ng rally sa Mendiola kahapon ng hapon.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay nasa tapat pa rin ng MPD ang grupong Katipunan ng Samahan ng mga Magsasaka sa Timog Katagalugan.
Nabatid na ang paglusob ng mga raliyista dakong 5:00 ng hapon kahapon ay upang pasukin ang MPD-General Assignment Section na pinamumunuan ni C/Insp. Marcelo Reyes matapos tangkain ng mga ralyista na “sagipin” ang kanilang mga kasamahan na naunang inaresto.
Dahil sa pag-awat na makapasok ang maiingay na raliyista, nauwi sa paluan, balyahan, hilahan at suntukan ang paglusob nang mamalo umano ng mga dalang yantok ang grupo ng magsasaka.
Gayunman, wala naman grabeng nasaktan at isinugod sa Ospital, maliban sa ilan na nagkaroon ng pasa sa katawan at nagkapunit-punit ang suot na t-shirt.
Napayapa naman ang mga raliyistang itinataboy ng mga pulis nang bumaba ng kaniyang tanggapan si MPD Director C/Supt Rodolfo Magtibay na nakiusap sa mga magsasaka.
Nabatid na nagmula pa sa Hacienda Luisita sa Tarlac ang mga magsasaka upang kalampagin ang Malakanyang at hilingin kay Pangulong Aquino na maibigay na sa kanila ang lupang kanilang sinasaka.
Hindi naman umano makapagpakita ng permit to rally ang mga magsasaka kaya sila binawalan at 13 sa kanila ang hinuli at dinala sa MPD-GAS.
Dahil sa kaguluhang idinulot ng mga ito, nasa 38 na na sa hanay nila ang pinipigil ng MPD-GAS para sampahan ng kaukulang kaso.
- Latest
- Trending