ZTE whistleblower, ikinasal
MANILA, Philippines - Ikinasal ni Vice President Jejomar Binay ang businessman at ZTE-NBN broadband deal whistleblower na si Joey de Venecia sa kanyang fiancé na si Karen Batungbacal sa isang civil wedding kamakalawa sa Makati City Hall.
Tulad ng kanilang kasuotang puting damit na may adornong shawl para kay Batungbacal at polo barong ng batang de Venecia, simple at limitado lang sa mga kaanak at malalapit na kaibigan ang sumaksi sa kanilang kasal.
Kasama ng ZTE-NBN deal whistleblower ang kanyang amang si dating House Speaker Jose De Venecia Jr. at stepmother na si Pangasinan Rep. Gina de Venecia.
Aalis ngayon ang mag-asawang De Venecia patungong Boracay para sa kanilang honeymoon. Pinaplano nilang magpakasal sa simbahan bago matapos ang taon.
Nauna rito, tatlong beses binalak ng mag-asawa ang magpakasal simula noong 2007 subalit lagi itong nakakansela dahil sa bantang seguridad sa kanilang buhay dala ng pagtestigo ni De Venecia sa nabulilyasong broadband deal.
Nagpapasalamat din ang mag-asawa sa oras na inilaan sa kanila ni Binay at pumayag itong ikasal sila sa kabila ng siksik nitong schedule.
Tumakbo si De Venecia sa pagka-senador sa ilalim ng Pwersa ng Masang Pilipino na siya ring partido ni Binay. Sina De Venecia at Batungbacal ay parehong 46 anyos.
Nagtapos si Batungbacal ng Chemical Engineering sa Princeton University at naging executive ng isang major contact center simula noong 2000.
- Latest
- Trending