Report sa ballot secrecy folder isusumite bukas
MANILA, Philippines - Inaasahang sa Lunes ay mailalabas na ng Commission on Elections ang kanilang report hinggil sa isinagawang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa P690-million ballot secrecy folder contract na para sana noong May 10 polls.
Sinabi ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento na nag-commit na si Comelec Law Department head Atty. Ferdinand Rafanan na isusumite ang report sa Comelec en banc sa Lunes. Si Rafanan ang chairman ng three-man panel na binuo ng en banc para mag-imbestiga sa kontrobersiya.
Ilang ulit nang naantala ang pagsusumite ng three-man panel sa report ng kanilang imbestigasyon, at ayon kay Rafanan, ito ay dahil hindi nila agad napasakamay ang mga kinakailangang dokumento para dito.
Una nang inamin ni Comelec Chairman Jose Melo na nagkaroon ng lapse in judgment ang en banc at ang Comelec Bids and Awards Committee (BAC) nang i-award ang kontrata sa One Time Carbon Paper Supply, para sa pagsusuplay ng may 1,815,000 piraso ng 25-inch long ballot secrecy folders sa halagang P690 milyon.
Matapos namang matuklasan na overpriced ito at sobrang garbo, ay kaagad na binawi ng Comelec en banc ang kontrata, at pinaimbestigahan ito.
- Latest
- Trending