Pagbuwag sa Barangay, SK nasa kamay ng Kongreso
MANILA, Philippines - Sinabi ng Commission on Elections na wala silang kapangyarihan na desisyunan ang isyu hinggil sa pagbuwag ng Sangguniang Kabataan (SK) at Barangay elections.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez nasa kamay ng Kongreso kung dapat nang buwagin ang Barangay at SK elections kasunod ng hirit ni vice president-elect Jejomar Binay na i-abolish na ito.
Ayon kay Binay, maaaring italaga na lang ng local executives ang barangay officials, habang dapat nang alisin ng tuluyan ang SK.
Sa ngayon, sinabi ni Jimenez na tuloy ang gagawing local elections sa Oktubre 25 hangga’t walang batas na nagkakansela nito.
Kailangan muna ang pormal na pagsusumite ng kahilingan ng pagbubuwag dito bago isagawa ang pagdinig.
Kailangan din umanong depensahan ng mga susunod na barangay at SK leaders ang alegasyon ni Binay na nagsisilbi lamang silang “training ground” ng mga traditional politicians.
Nawawala na rin umano ang tunay na motibo ng paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan dahil na rin sa pagnanais na magkapuwesto bagama’t sa barangay level lamang.
Isasagawa ang registration para sa barangay at SK elections sa Hulyo 1 hanggang 31.
- Latest
- Trending