MANILA, Philippines - Hindi pa man ay ipinaabot na ni AFP-Northern Luzon Command Lt. Gen. Ricardo David ang kaniyang pasasalamat sa kampo ni President-elect Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III dahil sa mga ulat na ikinokonsidera itong susunod na Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinasabing si David, produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Masikap Class 1977 ay napipisil ni Noynoy na ipalit kay AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit sa pag-uumpisa ng bagong administrasyon.
Una nang inianunsyo ni Noynoy na papalitan niya si Bangit sa puwesto dahil may iba siyang napipisil na heneral para mamuno sa AFP at bukod dito ay wala itong tiwala sa dati ring Presidential Security Group (PSG) Commander ni outgoing President Gloria Macapagal Arroyo.
“It’s an honor to be considered as one of the contenders,” ani David sa flag raising sa Camp Servillano Aquino sa Tarlac sa pagdiriwang ng ika-112 taong Araw ng Kasarinlan kahapon.
Sa kabila nito, iginiit ni David na may umiiral na AFP promotion system na pinamamahalaan ng mga Board of Generals na siyang may hurisdiksyon sa pagpili ng mga iluluklok sa mataas na posisyon sa liderato ng militar.
Si Bangit ay nakatakdang magretiro sa Hulyo 31, 2011 pero dahilan hindi ito ang choice ni Noynoy ay posibleng magretiro ng maaga sa serbisyo.
Nitong Biyernes sa huling pagpupugay ng AFP sa kanilang Commander–in-Chief na si Pangulong Arroyo na nagpaalam na sa hukbo ay sinabi ni Bangit na ikinokonsidera na niya ang magretiro ng maaga.