Comelec pabor buwagin ang SK
MANILA, Philippines - Kinatigan ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang panukalang buwagin na ang Sangguniang Kabataan (SK) elections dahil hindi aniya ito nakabubuti para sa mga kabataan, ngunit tinutulan naman ang mungkahing pagre-reset sa barangay elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, naniniwala siyang dahil sa SK polls ay maagang natuturo ng mga “taktika” sa halalan ang kabataan sa kanilang murang edad.
“They are learning the tactics of the trade at an early age. If you ask me, maganda pag-isipan din,” ayon pa kay Sarmiento, ngunit hindi pa ito natatalakay ng Comelec en banc.
Ang SK elections ay nakatakdang idaos sa Oktubre 25, 2010, kasabay nang pagdaraos ng Barangay elections.
Samantala, tutol naman si Sarmiento sa panukalang iurong sa susunod na taon ang pagdaraos ng barangay elections.
Ayon kay Sarmiento, wala siyang nakikitang rason upang hindi matuloy ang pagdaraos ng barangay polls sa Oktubre. (Grace Amargo-Garcia/Mer Layson)
- Latest
- Trending