Smartmatic isusubpoena ng NBI
MANILA, Philippines - Sinimulan nang imbentaryuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ebidensiya, kabilang ang kopya ng compact flash (CF) cards at CD na naglalaman ng “Hello Nico” conversation, para sa isasagawang imbestigasyon sa diumano’y dayaan sa naganap na May 10 automated elections.
Ikinakasa na rin ang ipapadalang mga subpoena sa ilang personalidad kabilang ang mga kinatawan ng Smartmatic, sa gaganaping imbestigasyon sa NBI-main office sa mga susunod na araw.
Naatasang humawak ng imbestigasyon ang NBI–Special Task Force sa pamumuno ni Head Agent Arnel Dalumpines para sa kontroberiya ng CF cards.
Ang NBI-Anti-Crime Computer Division, sa pamumuno ni Head Agent Palmer Mallari naman ang hahawak sa imbestigasyon ng “Hello Nico.”
Bagamat hindi prayoridad ang pag-iimbestiga sa lumutang na whistle blower na tinaguriang “Koala Bear” na si alyas “Robin”, aalamin din ng NBI ang partisipasyon nito, kung mayroon man, sakaling may naganap na iregularidad kaugnay sa natapos na halalan.
Una nang iniutos ni Acting Justice Secretary Alberto Agra sa NBI na imbestigahan ang mga akusasyong may naganap na anomalya sa poll automation at pinadalhan ng kopya ng DOJ ang NBI ng “Hello Nico” CD, ang umano’y wiretapped conversation sa pagitan nina DILG Secretary Ronaldo Puno at Comelec Commissioner Nicodemo Ferrer na kumalat sa internet at inuugnay sa dayaan.
- Latest
- Trending