MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng mga Obispo na dapat nang tanggalin ang pork barrel ng mga mambabatas dahil ito’y malaking source lamang umano ng corruption.
Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko kabilang sina Sorsogon Bishop Arturo Bastes, Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, at Antipolo Auxiliary Bishop Francisco de Leon.
Sa panayam ng church-run Radio Veritas, iginiit din ng mga Obispo na hindi naman tungkulin ng mga senador at mga kongresista ang rural development at public works kaya’t hindi na sila dapat na bigyan ng pork barrel.
Binigyang-diin pa ng mga ito na ang dapat na gawin ng mga mambabatas ay gumawa ng mahuhusay na batas para matiyak na mapapalakad ng maayos ang pamahalaan at bansa.
Hindi naman anila kasi inihalal ang mga mambabatas upang kunin ang pera ng mga mamamayan, kundi dapat gumawa at magpatupad ng mga batas upang mabigyan sila ng mas maayos na pamumuhay.
Naniniwala naman ang mga Obispo na marami pa ring mga taong kakandidato kahit wala ng pork barrel ngunit mas matitino na nga lamang aniya ang mga ito at ang tunay na layunin ay maglingkod sa mga mamamayan.
Anila, ang mga mambabatas ay ibinoto para gumawa ng batas at hindi para gumawa ng proyekto.