LTO, CCAA, Petc IT providers nagkasundo vs mauusok na sasakyan

MANILA, Philippines - Nagkasundo ang Land Transportation Office, Coaliton of Clean Air Advocates at PETC IT Providers na sama-samang lipulin ang mauusok na sasakyan sa lansangan bilang isang hakbang sa pagtupad sa Clean Air Act ng pamahalaan.

“This is an effort of the LTO to clean air through monitoring of emission test result that is being conducted by various emission test centers …ito ay drive natin para sa pagdidisiplina sa industriya,” pahayag ni LTO Chief Alberto Suansing.

Sabi pa ni Suansing, sa pagtutulungan ng naturang NGO at Petc IT providers ay target nilang maalis ang mga non-appearance sa pagpapasuri ng usok ng sasakyan na iparerehistro sa LTO at maglaho din ang conflict of interest sa emission testing.

Sinabi naman ni CCAA President Jojo Buerano na ang kanilang samahan ay palagiang bukas sa pagtulong sa LTO na masala at masino ang mga tiwaling emission test centers na nagsasagawa ng non-appearance operation.

Kinilala din ni Suansing ang paglalagay ng “eagle eye” camera ng mga PETC IT providers sa mga emission test centers upang matiyak na talagang sumasailalim sa emission test ang isang sasakyan na irerehistro sa LTO.

“Yung eagle eye camera, ikalawang camera yan na kahit nakalusot sa unang camera para ipasuri ang usok ng sasakyan na irerehistro..sa eagle walang lusot kase bawat anggulo ng sasakyan, ng technician at pasilidad dito ay kitang kita sa eagle eye camera kaya walang lusot diyan ang nag-na-non appearance,” ani Suansing.  

Show comments