Among Ed sibak sa pagkapari!
MANILA, Philippines - Hindi na maaaring makabalik sa pagiging pari ang natalong gubernatorial candidate na si Among Ed Panlilio dahil naging sanhi umano siya ng pagkakahati ng Iglesia Katoliko Romano.
Sinabi ni San Fernando Archbishop Paciano Aniceto na noon pang Disyembre ay hiniling na sa kaniya ni Panlilio na ma-dismiss siya sa kaniyang ministry, kasunod nang plano nitong tumakbo sa pagka-pangulo sa katatapos na eleksyon.
Sinabi pa ni Aniceto na naipadala na niya ang naturang liham sa Santo Papa at inaasahang dedesisyunan na ito ng Vatican sa lalong madaling panahon.
Naniniwala rin naman ang arsobispo na mahihirapan nang muling maging parish priest si Panlilio dahil naging dahilan na umano ito nang pagkakahati-hati, hindi lamang sa mga mananampalataya, kundi maging sa mga clergy.
Idinagdag pa ng arsobispo, “noong kausapin niya si Panlilio kasama sina Auxillary Bishops Pablo Virgilio David at Roberto Mallari ay sinabihan niya ito na huwag nang ituloy ang balak nitong pagtakbo muling gobernador dahil nangako siyang isang termino lamang siya pero nalaman naming plano pa niyang tumakbong pangulo ng bansa.”
“I told him you broke your two promises to me, the first of which was he would only run for a single term and second, he would look for a layman to succeed him and prepare the laity to look for a credible successor,” paliwanag pa ni Aniceto.
Iginiit pa ng Obispo, ang pahayag ni Panlilio na babalik na lamang ito sa pagiging pari matapos matalo sa gubernatorial post nitong May 10 elections ay isang “politician’s statement’ lamang.
Inilarawan pa ni Aniceto si Panlilio na isang tao na hindi marunong makinig sa pangaral at hindi nito kayang pangatawanan ang kanyang pangako na isang termino lamang siyang maglilingkod sa Pampanga.
Matatandaang nagpahayag si Panlilio nang pagnanais na tumakbo sa presidential race kaya’t sinabi ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko na kakailanganin na nitong tuluyang talikuran ang kaniyang pagka-pari.
Pero iniurong na rin ni Panlilio ang naturang plano at sa halip ay tumakbong muli sa pagka-gobernador ngunit natalo kay Lilia Pineda.
Tinambakan ni Pineda si Panlilio sa nakaraang gubernatorial elections. Nakakuha ng 488,521 votes si Pineda habang 242,367 boto lamang si Panlilio.
- Latest
- Trending