MANILA, Philippines - Ilang araw bago ang eleksiyon, nakuha na naman ni Nacionalista Party spokesman at senatorial candidate Gilbert Remulla ang ika-12 puwesto sa listahan ng mga tumatakbo sa pagka-senador sa survey ng Social Weather Stations at Pulse Asia.
Sa Survey ng SWS na ginanap nung April 16-19, 2010, si Remulla ay nagtala ng 21% ng mga boboto sa pagka-senador. Sa Pulse Asia naman, pang-12 din si Remulla. Ang survey ay ginawa nung April 23 hanggang 25, 2010. Nakakuha siya ng 18.7% ng mga respondents. Sinabi naman ni Remulla dahil ilang araw na lang, ang dapat palakasin at pagtuunan na ng pansin ay ang pambansang makinarya.
“Ako at ang aking mga kasama sa Nacionalista party ay nakahanda, kasama ng aming makinarya para ibuhos ang boto para manalo ang aming mga kandidato. Ito ay mula sa pangulo, pangalawang pangulo, mga senador, at iba pang tumatakbo sa ilalim ng partido. Tapos na ang sukatan sa surveys. Dadating na ang sukatan ng makinarya. Matagal na kaming nakahanda,” dagdag ni Remulla.
Sa mga tumatakbo sa pagka-senador, isa si Remulla sa pinakabata at bagong mukha. Karamihan ng mga tumatakbo ay pawang mga reelectionist, balik senado, o anak ng mga malalaking pulitiko.