MANILA, Philippines - Lalo pang lumakas ang panawagan na isalang sa psychological test ang mga kandidatong presidente sa halalan sa Mayo 10 matapos pitong presidentiables ang pumayag na sumailalim dito.
Ayon kay Bagumbayan presidential candidate at Senador Richard Gordon, kung ang mga karaniwang manggagawa ay isinasalang sa psycho test sa ilang trabaho na kanilang pinag-aaplayan, higit na dapat aniyang magkaroon ng ganoong uri ng pagsusuri sa mga gustong makuha ang pinakamataas na posisyon sa bansa.
Sinabi pa ni Gordon na ang pagsasailalim lang sa psycho test ang paraan upang matapos na ang pag-aalinlangan sa tunay na kalagayan ng pag-iisip ng ilang kandidato.
Iginiit ni Gordon na napakasensitibo ng posisyon ng pangulo kung saan nakasalalay ang kaligtasan ng buong bansa kaya dapat matiyak na malusog ang pag-iisip at katawan ng mauupong pangulo.
Bukod kay Gordon, payag ding sumailalim sa psycho test sina presidentiables Manny Villar (Nacionalista Party); Joseph Estrada (Partido ng Masang Pilipino); Gilbert Teodoro (Lakas,Kampi-CMD); Bro. Eddie Villanueva (Bangon Pilipinas); Nick Perlas (Independent); at JC Delos Reyes (Ang Kapatiran).
Sa kabila nito, matindi pa rin ang pagtutol ni Liberal Party standard bearer Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na sumalang sa psycho test at paulit-ulit na iginiit na paninira lang at bahagi ng black propaganda ang pagkuwestiyon sa kanyang katinuan.
Dalawang dokumento na ang lumabas na sinasabing nagpatingin si Aquino sa psychiatrist no ong kabataan niya dahil sa labis na depresyon. Bukod dito, may ilang ulat rin sa pahayagan na ipinatingin sa psychologist si Aquino noong bata pa ito dahil sa pagiging mapag-isa.
Sinabi naman ni Aquino na ang mga taong naniniwala at pumapatol sa pekeng psychiatric report ang posibleng may problema sa pag-iisip.
Ayon pa kay Aquino, hindi kailangan pang siyasatin ang pag-iisip ng mga taong hindi makatanggap ng katotohanan lalo pa’t hindi naman siya psychologist.
Samantala, si Teodoro ay sumailalim sa psycho test noong siya ay maitalagang pinuno ng Department of National Defense. Pero sinabi niya na wala sa batas na dapat sumailalim sa nasabing test ang mga kandidato pero bahala na ang mga ito kung nais nilang sumailalim dito.
Iginiit naman ng Citizens of Right of Information na pinamumunuan ng columnist na si Carmen Pedroza na dapat sumailalim sa psycho test dahil karapatan ng publiko na malaman ang psychological capacity ng lahat ng kandidato na nagnanais pamunuan ang bansa.