MANILA, Philippines - Nakatakdang ipasara ng nagbabalik na Land Transportation Office Chief Alberto Suansing ang mahigit 40 pasaway na private emission test centers (PETCs) na nagsasagawa ng non-compliance at non-appearance sa pagsusuri ng usok ng mga sasakyan na irerehistro sa LTO.
Sinabi ni Suansing na patuloy na inaalam ng emission monitoring committee ang mga ulat na lumala ang N-A at N-C sa emission test ng sasakyan dahil sa naipatupad na direct connectivity ng PETC at Stradcom noong panahon ni dating LTO chief Arturo Lomibao.
Anya, hindi niya sasantuhin ang sinumang Petcs na lalabag sa kanyang patakaran at lumalabag sa Clean Air Act ng pamahalaan.
Noong 2008 nang si Suansing ang LTO Chief, daang mga Petcs ang kanyang naipasara at napagmulta dahil sa paglabag sa naturang batas.
“Andito na naman ako ulit, hindi puwede sa’kin ang mga nagsasagawa ng anomalya sa operasyon, kung mahuli silang lumalabag sa batas, ipinasasara natin yan, suspendido bukod sa multa para madisiplina,” dagdag ni Suansing.