MANILA, Philippines - Lumutang ang isa umanong “kasunduan” nina Pangulong Gloria Arroyo at dating Pangulong Joseph Estrada na idiin si Senador Panfilo Lacson sa salang pagpatay kay PR man Bubby Dacer at driver nitong si Manuel Corbito.
Ito ang usap-usapan matapos palayain noon si Estrada na nahaharap sa mahabang pagkakulong sa kasong pandarambong. Matapos ang ilang panahon, dumalas na ang pasaring ni Estrada na wala siyang kinalaman sa Dacer-Corbito murder case at si senador Lacson anya ang tanungin ng media.
Kung matatandaan, minsan nang naghugas-kamay si Estrada ng pinasaringan niya si Lacson na siyang nagbigay diumano ng “orders” upang patayin sina Dacer at Corbito.
Nangyari ang pamamaslang sa gitna ng pagsikad ng isyu ng “stock manipulation” sa Philippine Stock Exchange na kung saan kumita daw si Estrada ng bilyong-bilyon sa BW resources. Ibubunyag sana ito ni Dacer sa publiko ngunit sa kasawiang palad siya ay na “salvage” kasama si Corbito.
Sinabi ni Lacson, dating namuno sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force noong panahon ni Estrada, na wala siyang alam sa sinasabi ng dating pangulo.
Nagbigay ng privilege speech nung isang taon si Lacson na kung saan ay ibinunyag niya kung anong nalalaman niya sa pagkakasangkot ni Estrada sa Dacer-Corbito salvaging.
Nilalampasan umano ni Estrada si Lacson kapag nagbibigay ng utos sa Philippine National Police, kabilang ang PAOCTF.
Sinabi din ni Lacson na huwag na sanang tumakbo si Estrada sa pagka-pangulo para mas malakas ang hanay ng oposisyon. Ilang panahon matapos ang kanyang privilege speech, lumabas na ang warrant of arrest kay Lacson sa Dacer-Corbito murder case. Si Lacson ay kasalukuyang nasa Hold Departure Order list ng Bureau of Immigration.