Customs police official, iniimbestigahan sa pekeng eligibility
MANILA, Philippines - Isinailalim sa imbestigasyon ng Civil Service Commission ang isang ranking Customs police official na naakusahan ng smuggling at pangha-harass ng isang broker sa Subic port may ilang taon na ang nakakaraan, dahil umano sa pagpalsipika sa kanyang government service eligibility test.
Kasalukuyang binubusisi ng National Capital Region Office ng CSC ang lahat ng mga dokumentong may kaugnayan sa government service ni Customs Enforcement and Security Service Maj. Ramon Policarpio kasunod ng impormasyong peke ang kanyang civil service examination paper.
Si Policarpio, nakatalaga sa Port of Manila bilang district police commander, ay na-promote kamakailan, mula sa ranggong captain siya’y naging major.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Customs Commissioner Napoleon Morales, iniutos niya sa bureau’s administration office na imbestigahan ang kaso.
Noong Oktubre 2008, isang female broker mula sa Red Archer General Services ang naghain ng reklamo laban kay Policarpio, noo’y district police commander sa Subic Port, dahil sa sexual harassment.
Ngunit itinanggi ito ni Policarpio at sinabing ito ay kaso ng mistaken identity “thinking that she is a friend.”
Noong 2007, sinibak si Policarpio at 24 sa kanyang mga ahente dahil sa sinasabing pagkakasangkot sa smuggling activities.
- Latest
- Trending