Puganteng Kano pinadeport ng Immigration
MANILA, Philippines - Iniutos ng Bureau of Immigration (BI) ang deportation ng isang puganteng Amerikano na pinaghahanap sa serye ng kasong kriminal sa US.
Ipatatapon si Robert Nicol, 59, bunsod ng summary deportation order na inilabas laban sa kanya noong April 7 ng BI board of commissioners.
Iniutos din ng board, na pinamumunuan ni BI Commissioner Marcelino Libanan, ang paglalagay kay Nicol sa blacklist ng ahensiya para mapigilan na ang muling pagpasok nito sa bansa.
Noong March 23, nahuli ng operatiba ng BI-Interpol unit na pinamumunuan ni Atty. Floro Balato Jr. ang Amerikano sa kanyang tahanan sa Baler, Quezon.
Sinabi ni Balato na nagtago si Nicol sa bansa ng mahigit dalawang taon gamit ang expired tourist visa.
Ang pugante ay isa na ring undocumented alien dahil kinansela na ng US government ang US passport nito.
Nabatid na hiningi ng US embassy sa Manila ang pag-aresto kay Nicol at ipinabatid sa BI na may isang arrest warrant na inilabas laban sa pugante ng district court sa Florida noong Oct. 21, 2008.
Siya ay kinasuhan sa korte ng pakikipagsabwatan para magsagawa ng wire fraud.
Nakita rin sa Interpol database na ang Amerikano ay wanted din sa iba’t ibang kaso kabilang ang assault, maltreatment at fraud.
Ayon pa kay Balato, isang team ng US marshals ang inaasahang darating sa Maynila upang sunduin si Nicol sa Maynila upang maibalik sa US para mapapanagot sa kanyang mga krimen.
- Latest
- Trending