MANILA, Philippines - Nagpahiwatig ng kahandaan si Liberal Party presidential candidate Sen. Benigno “Noynoy” Aquino na pumailalim sa lie detector test.
Ginawa ni Aquino ang pahayag kasabay ng pagtanggi sa psychiatric test na inihahamon sa kanya ni Nacionalista Party standard bearer Manuel Villar.
Ginawa ni Villar ang hamon kaugnay ng lumabas na medical records na mayroon umanong problema sa pag-iisip si Aquino.
Ang naturang medical records na ibinunyag ng ABS-CBN, ay nagsasabing, noong 1990s, si Aquino ay dumanas ng mental disorder gaya ng hindi makatulog, hindi mapakali, kawalan ng hilig sa sex, tumutulo ang laway at walang konsentrasyon.
Ayon kay Aquino, hindi niya sasakyan ang hamon ni Villar na patunayang peke ang medical records sa pamamagitan ng pagpapa-checkup sa psychiatrist.
Mas gugustuhin aniya ni Aquino na sumailalim sa lie detector test at lifestyle check kesa sumailalim sa mental checkup.
Sinabi naman ni Villar na ang isang kandidato ay dapat lang patunayan sa mamamayan na siya’y nasa tamang pag-iisip at nasa mabuting kalusugan bago tangkaing mamuno sa bayan.