Pinoy sa lindol sa US at Mexico inaalam pa
MANILA, Philippines – Isa katao ang naunang napaulat na namatay at mahigit 100 ang sugatan habang isinusulat ito sa naganap na lindol na may lakas na 7.2 magnitude sa Mexico at dalawang estado sa United States kahapon.
Patuloy na inaalam ng Embahada ng Pilipinas sa Mexico at Philippine Consulate sa Los Angeles kung may Pilipinong nabiktima ng lindol doon.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs, may 308 Pilipino ang nasa Mexico, na karamihan ay nakatira sa Mexico City samantalang umaabot sa may 942,715 Pinoy ang nasa South California at iba pang kalapit na lugar na sakop ng Philippine Consulate sa Los Angeles.
Milyun-milyong mamamayan sa US at Mexico ang nayanig sa lindol. Umuga ang mga gusali mula sa Los Angeles hanggang Phoenix at Tijuana.
Natunton bandang alas-3:40 ng hapon ang lindol sa layong 38 milya mula sa timog-silangan ng hangganan ng Mexicali, Mexico. Nagkaroon ng aftershock sa loob lang ng tatlong oras.
Mas naramdaman ang lindol sa Mexicali, isang commercial center sa hangganan ng Mexico at Southern California sa US. (AP at Ellen Fernando)
- Latest
- Trending