Nominasyon ni Mikey pinababasura
MANILA, Philippines - Naghain ng petisyon sa Commission on Elections ang dalawang mambabatas at hiniling na ibasura ng poll body ang nominasyon ni Presidential son at Pampanga Rep. Mikey Arroyo sa isang party-list group na kumakatawan sa mga tricycle drivers at security guards.
Sa pitong pahinang petisyon na inihain nina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Gabriela Rep. Liza Maza, hiniling ng mga mambabatas sa Comelec na madiskuwalipika si Arroyo bilang nominado ng party-list na “Galing Pinoy”.
Iginiit ng mga mambabatas na hindi maaring maikunsidera si Arroyo na miyembro ng isang marginalized sector dahil alam naman ng lahat na anak ito ng Pangulo ng bansa.
Anila pa, maliban sa pagiging kasalukuyang kinatawan ng Pampanga, Chairman din si Mikey ng House Energy Committee at mayroong yaman na P99.2 milyon base sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa 2008.
Kinuwestyon din nina Maza at Ocampo kung paanong kakatawanin ni Arroyo na miyembro ng First Family, ang mga tricycle drivers at security guards. (Mer Layson/Doris Franche)
- Latest
- Trending