MANILA, Philippines - Halos siyam na taon na ang nakararaan nang unang tumapak si Sen Manny Villar sa maliit na bayan ng Mallig, Isabela pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakalimutan ng mga tao rito dahil sa pagtupad niya sa isang “maliit” na pangako.
Nangampanya si Villar sa bayang ito na mayroon lamang halos 16,000 botante noong 2001 nang tumakbo siyang senador. At ngayong kumakandidato siyang pangulo sa darating na Mayo, malaki ang pag-asa na makuha muli ng senador at running mate niyang si Sen Loren Legarda ang suporta ng mga mamamayan dito.
Kuwento ni Mayor Edward Isidro, kapartido ng Nationalist People’s Coalition, tumatanaw ng malaking utang na loob kay Villar ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil sa tulong na ibinigay nito nang dumanas ng matinding tagtuyot ang kanilang bayan noong 2001.
Nangangampanya umano si Villar noong 2001 nang magbigay ito ng pa ngako sa mga tao sa Mallig na magbibigay ng “kuliglig” (maliit na traktora) para magamit nila sa pagbubungkal ng lupa at makatulong sa kanilang pagtatanim.
Nang matapos ang halalan at nanalo si Villar na senador, hindi naghintay nang matagal ang mga mamamayan ng Mallig at dumating sa kanila ang ipinangako nitong “kuliglig” na maaari ring gamitin sa transportasyon at ibang makabuluhang bagay. (BQ)