MANILA, Philippines - Nagpakita muli ng pagkapikon si Liberal Party presidential bet Sen Benigno “Noynoy” Aquino III nang laitin at maliitin ang survey firm na The Center kung saan lumamang si Sen. Manny Villar ng Nacionalista Party sa pinakabago nitong survey.
Nang hingan ng reaksiyon ng media si Aquino tungkol sa resulta ng The Center na ginawa noong Marso 3-10, kung saan nakakuha siya ng 26% habang 28% si Villar, sinabi ng pambato ng LP na hindi dapat paniwalaan ang survey dahil wala itong kredibilidad.
Pinasaringan din ni Aquino ang namumuno sa The Center na si Ed Malay na nagtrabaho noon kina dating pangulong Fidel Ramos at Speaker Jose de Venecia na nagbigay umano ng maling prediksiyon sa resulta ng 1998 presidential survey kung saan nanalo si dating pangulong Joseph Estrada.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakita ng pagkainis si Aquino kapag hindi pabor sa kanya ang resulta ng survey. Noong nakaraang taon, nagpasaring ang senador na may mga survey na nabibili sa Quiapo. (Butch Quejada)