MANILA, Philippines - Isang resolusyon ang ipinasa ng Philippine Military Academy Alumni Association Inc. na may 8,000 miyembro upang suportahan ang pagdaraos ng malinis, maayos at tahimik na eleksiyon sa Mayo 10, 2010.
Ayon sa nilagdaang manifesto ng mga opisyal ng PMAAAI, alam nila ang kahalagahan ng darating na halalan kaya’t nagkasundo sila na magkaroon ng nagkakaisang ‘stand” para masiguradong malinis at credible ang magiging resulta ng eleksiyon.
Ang kasalukuyang chairman ng PMAAAI ay si Senator Rodolfo Biazon.
Ayon kay Biazon sa ngayon ay umaabot na sa 8,000 ang kanilang mga miyembro.
Nilagdaan din ang nasabing resolusyon ni Cavalier Edgardo Rene Samonte ng PMA Class 81 at ni CAV. Philip Cacayan ng Class ’81. Kabilang si Biazon sa Class ’61.
Sa kahiwalay na manifesto na nilagdaan nina Biazon, Samonte at iba pang matataas na opisyal ng PMAAAI, hiniling ng mga ito sa kanilang mga miyembro na itaguyod ang prinsipyo ng kanilang Alma Mater.
Ang nasabing resolusyon ay nakatakdang isumite ng grupo kay AFP Chief Gen. Delfin Bangit at kay Philippine National Police Director General Jesus Verzosa. (Malou Escudero)