Paglilitis ng mga kaso bibilis na
MANILA, Philippines - Nilagdaan kahapon ni Pangulong Arroyo ang Free Legal Assistance Act of 2010 na akda ni Sen. Lito Lapid na inaasahang magiging daan upang mapabilis ang mga paglilitis ng mga kaso sa ibat ibang korte sa bansa.
Ginawa ang ceremonial signing ng Lapid law ni Pangulong Arroyo sa Malacañang kahapon ng hapon kung saan ay sinaksihan din ng mga opisyal ng Integrated Bar of the Philippines.
Sinabi ni IBP-Pampanga chapter president Atty. Aramis Benoza, ang Lapid law na ito ay magiging susi upang mapabilis na ang paglilitis lalo sa kaso ng mga mahihirap na walang makuhang abugado dahil sa kakulangan ng pananalapi.
Ayon kay Atty. Benoza, ang Lapid law ay maghihikayat sa mga abogado na magbigay ng pro-bono services sa kabila ng mandatory na 60-hour free service na iniuutos ng Korte Suprema sa pagtulong sa mga mahihirap na may kaso.
Aniya, ang kautusan ng SC na ito ay napipilitan lamang ang mga abugado na sumunod habang sa Lapid law ay kahit lampas sa itinakdang 60-hour na pagtulong sa mahihirap na kliyente ay kusang-loob na tutulong ang mga abugado dahil sa may insentibo silang tax deduction kapalit ng free legal assistance sa mahihirap. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending