Pagpili sa susunod na chief justice nasa JBC - Malacañang
MANILA, Philippines - Ang Judicial Bar Council (JBC) ang may responsibilidad na siguraduhin na puro mga “independent minded” lamang at hindi puwedeng diktahan ang susunod na chief justice dahil sila ang may kapangyarihan na magbigay ng nominado sa Malacañang.
Ayon kay Presidential Spokesman Ricardo Saludo, ang Pangulo lamang ang mamimili mula sa mga pangalan na isusumite ng JBC kaya dapat tiyakin na nasala na ang mga pangalan na kanilang ibibigay sa Palasyo.
Binalewala rin ng Malacañang ang hakbang na palagdain sa isang kasunduan ang mga presidentiables upang tutulan ang gagawing pagtatalaga ni Pangulong Arroyo sa susunod na chief justice dahil sa umiiral na election ban.
Matatandaan na pumayag ang Supreme Court na magtalaga ng bagong chief justice ang Pangulo kahit na may election ban dahil magre-retiro na si Chief Justice Reynato Puno.
Ayon sa Palasyo, walang katotohanan ang mga ispekulasyon na poprotektahan ng susunod na chief justice ang Pangulo sa mga posibleng kaso na isampa laban sa kaniya kapag nakababa na siya sa puwesto. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending