Probe sa bidding scam sa DOTC hiling
MANILA, Philippines - Hinihikayat ng mga bidders ang bagong itinalaga na Department of Transportation and Communication secretary na si Anneli Lontoc na tignan ang mga anomalya sa proseso ng bidding para sa kontrata ng bagong Communications, Navigation and Surveillance/Air Traffic Management Systems Development Project.
Ang proseso ay inirereklamo ng mga korporasyong kalahok ng bidding dahil mayroon pang mga detalye na hindi lubos na nalinawan.
Ayon sa grupong umaapila, ang malaking anomalya ay ang di umano’y pag-pabor ng Japan International Cooperation Agency sa Sumitomo-Thales.
Sa unang tingin, nasa ayos ang mga detalye ng pre-qualification. Ang package 1 ay sa pagitan ng Sojitz at ng Sumitomo-Thales at ang package 2 ay sa Sumitomo-Thales, Selex-Kanematsu, at Marubeni. Ngunit kinukuwestyon ngayon kung bakit kinakailangan pang gumawa ng dalawang package para sa iisang proyekto lamang.
Kataka-taka rin na ang Thales Group, dating Thompson CSF, ay kasapi pa sa isang importanteng bidding ng Pilipinas, dahil ang Thompson CSF ay blacklisted na sa kahit anong proyekto ng bansa sa kadahilanan ng di-pagtupad nito sa kontrata ng DOTC para sa Global Maritime Distress Safety System noong 1998.
- Latest
- Trending