MANILA, Philippines - Patay ang isang Pinay sa Singapore matapos na pagsasaksakin ng hindi pa kilalang salarin.
Kinumpirma ni Foreign Affairs spokesman Ed Malaya base sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore, ang pagkasawi ni Rosalyn Pascua, 30, ng Peony Mansion sa Bencoolen St., Singapore na natagpuang tadtad ng saksak sa iba’t bang parte ng katawan noong Marso 15.
Ayon kay Charge d’ Affaires Nathaniel Imperial, kasalukuyan pang isinasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng Pinay. Nakikipag-ugnayan na rin ang Embahada sa Coroner’s Inquiry hinggil sa kaso ni Pascua upang malaman ang sanhi ng pagpatay at kung sino ang responsable dito.
Tiniyak ng Singapore Police na isang kaso ng “unnatural death” ang naganap kay Pascua.
Siniguro naman ng DFA na magbibigay sila ng tulong sa pamilya ng pinatay na Pinay at sa agarang pagpapauwi sa mga labi nito sa Pilipinas.