50 sentimo oil price hike, may kasunod agad
MANILA, Philippines - Hindi pa man nakakahinga ang publiko sa ipinatupad na P.50 sentimo pagtataas sa presyo ng gasoline, diesel at kerosene, nagpahiwatig na naman ng panibagong price hike ang industriya ng langis sa bansa bunga ng patuloy na pagtaas ng halaga nito sa world market.
Kahapon ay halos sabay-sabay na nagtaas ng presyo ng kanilang produkto ang Shell, Chevron at Petron matapos pangunahan ng Eastern Petroleum, Phoenix at Seaoil ang price hike na epektibo dakong alas-12:01 ng hatinggabi.
Ayon sa isang opisyal ng isang kompanya ng langis, posibleng magtaas muli sila ng P.75 sentimo kada litro sa susunod na linggo kapag nagpatuloy pa rin ang pagtaas ng krudo sa world market.
Bunga nito, nagsimula na ring bumalangkas ng kani-kanilang plano ang grupo ng pampublikong transportasyon upang hindi na humantong ang kanilang pag-aalburoto sa paglulunsad ng welga o tigil pasada.
Ayon sa Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ihihirit nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pansamantalang pagtaas ng pasahe kapag pumalo na sa P35 kada litro ang diesel.
Hihimukin naman ni Efren De Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang pamahalaan na ipatupad ang agarang pagtataas ng P.50 sentimos na pasahe kapag tumaas ng P5 kada litro ang halaga ng krudo at ibalik naman kaagad sa dati ang pasahe kapag bumabang muli ng P5 piso kada litro. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending