MANILA, Philippines - Makaraang patayin ang whistleblower na si Wilfredo “Boy” Mayor, dinoble naman ng Association of Major Religious Superior of the Philippines Chairperson (AMRSP) ang seguridad kay ZTE-NBN star witness Rodolfo ‘Jun’ Lozada.
Ayon kay Sister Mary John Mananzan ng AMRSP, nababahala sila sa nangyayari ngayon lalo pa’t may report na si Lozada na lamang ang witness na nabubuhay.
“Yung sa Esperat, yung kay Jocjoc, tapos yung sa jueteng. So we are restricted in the security now,” ani Mananzan.
Ipinaliwanag ni Mananzan na binawasan noon ang seguridad ni Lozada bagama’t dinagdagan ang mga armas para sa proteksiyon nito.
Kumuha umano ang AMRSP ng mga volunteer na magbabantay kay Lozada at nilimitahan rin nila ang mga hindi mahahalagang lakad nito.
Nabatid kay Mananzan na bagama’t may takot si Lozada sa mga posibleng mangyari, tinatanggap naman niya kung ito aniya ang kanyang kapalaran.
Samantala, nagpahayag naman ng paniniwala si Mananzan na dahil sa mga pagpatay sa mga testigo ay marami ang nadi-discourage nang lumutang upang magbunyag ng kanilang mga nalalamang anomalya.
Dismayado rin ito dahil wala aniyang protection program na ipinatutupad ang pamahalaan laban sa mga testigo, lalo na’t ang anomalyang ibinubunyag ng mga ito ay laban mismo sa mga government officials.
Ayon kay Mananzan, mas mabuti pa nga kung mga non-government organization (NGO) na lamang na tulad nila ang magkakanlong o magiging sanktuwaryo ng mga testigo dahil higit pang may pagmamalasakit sila sa mga ito.
Kadalasan umanong nangyayari na ang pamahalaan pa ang siyang banta sa seguridad ng isang saksi. (Doris Franche)