MANILA, Philippines - Maituturing ng tabla sa unang puwesto ang ratings nina Sen. Benigno “Noynoy”Aquino III at Sen. Manny Villar sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Pebrero 24-28.
Lumitaw sa survey na may 2,100 respondents sa bansa na nakakuha si Aquino ng 36% kumpara sa 34% ni Villar pero dahil sa 2.2% margin of error, itinuturing na “statistically tie” ang dalawang nangungunang presidentiables.
Hindi gaya ng mga nakagawiang survey na inililista lamang ang pangalan ng mga kandidato na napipili ng mga respondents, gumamit ng “sample ballot” ang SWS sa tanong na: “Kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang Presidente, Bise-Presidente, at mga Senador ng Pilipinas. Narito ang listahan ng mga kandidato. Paki-shade o itiman po ang naaangkop na oval katabi ng pangalan ng taong pinaka malamang ninyong iboboto:”
Ang naturang sistema ng paggamit ng balota sa survey ang siya ring ginamit sa survey ng Manila Standard Today nitong Feb 20-26, at may 2,500 respondents. Sa naturang survey, lumitaw na statistically tie din sina Villar (34%) at Aquino (36%).
Kapuna-puna rin na mula sa inilabas na survey ng SWS noong Disyembre 5, umabot na sa 10 points ang ibinagsak ni Aquino (Dec 5-10, 46%); (Dec27-28, 44%); (Jan 21-24, 42%).
Samantala kahit nabawasan ng isang puntos si Villar, nanatili pa rin ang pagtaas niya mula noong Disyembre (Dec 5-10, 27%); (Dec 27-28, 33%); (Jan 21-24, 35%).
Nasa pangatlo pa rin si dating pangulong Joseph Estrada, 15%, kasunod si dating Defense sec. Gilbert Teodoro na may 6%, Bro. Eddie Villanueva, 3% at Richard Gordon, 2%. Hindi naman umabot sa isang porsiyento ang iba pang kandidato.
Puna ng political analyst na si Earl G. Parreño, ng Institute for Political and Electoral Reforms, posibleng lumalamlam na ang “Cory magic” para kay Aquino, at nananatiling walang nakakasiguro kung sino ang mananalo sa May 10 polls.