Querubin no. 1 sa Magdalo

MANILA, Philippines - Prayoridad na bibigyang suporta ng grupong Magdalo ang detenidong si Marine Colonel at Nacionalista Party senatorial candidate Ariel Querubin sa mga senador na susuportahan sa May 2010 elections.

Sa press briefing kahapon sa San Juan City, inihayag din ni Magdalo spokesman Ashley Acedillo na si Nacionalista Party standard bearer Manny Villar Jr. at Liberal Party vice presidential bet Mar Roxas naman ang kanilang susuportahang kandidato.

Ayon naman kay Querubin, bagama’t pilit na kinakaladkad sa maruming pulitika sa bansa ang Magdalo ay hindi pa rin mababago ang kanyang paniniwala na seryoso ang mga kasapi nito sa paghahangad na maituwid ang ma­ling pamamalakad na umiiral sa gobyerno ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon.

“Ako ay nagpapasalamat kay Senador Trillanes at sa iba pa naming kasamahan sa pag-endorso nila sa aking kandidatura sa senado at pati na rin kay Senador Manny Villar, ang pangyayaring ito ay isang senyales na talagang nagkakaisa kaming tatlo sa pagsusulong ng mga programa laban sa kurapsiyon, matatag na pamumuno at malinis na pamamalakad sa pamahalaan,” paliwanag pa ni Querubin.

Naniniwala din si Querubin na ang samahan nila nina Trillanes at Villar ay pangunang hakbang pa lamang patungo sa isang ganap na matatag na republika matapos ang eleksiyon sa Mayo. 

Si Querubin na isang Medal of Valor awardee ay una na ring inindorso ng grupong Guardians na pinamumunuan ni Senador Gregorio Honasan. (Joy Cantos)

Show comments