MANILA, Philippines - Magbababa ngayong araw nang P6 ang presyo ng kada 11-kilong tangke ng liquefied petroleum gas ang LPG Marketers Association dahil sa pagbaba ng “contract price” sa internasyunal na merkado.
Sinabi ni LPGMA president Arnel Ty na epektibo ang rollback pagsapit ng alas-12:01 ng madaling araw ngayong Martes. Ito na ang ikatlong rollback ngayong buwan makaraang magbaba rin noong Pebrero 2 at 8.
Dahil sa muling pagbaba ng kanilang presyo, mas mura umano nang P50 hanggang P60 ang kanilang mga LPG kumpara sa mga ibinibenta ng mga malalaking kumpanya ng langis sa bansa.
Samantala, nagpatupad naman ng P1 rollback sa kanilang gasolina ang Seaoil dakong alas-12:01 kahapon ng madaling araw. Sinabi ng Seaoil na ito’y dahil sa pagbaba rin ng presyo ng gasolina sa world market. (Danilo Garcia)