MANILA, Philippines - Hihilingin ngayon ng Retired Seafarers Association Inc. sa Maritime Industry Authority sa pamamagitan ng kanilang abogado na si Atty. Toto Causing na huwag na munang payagan makapaglayag ang limang barko ng Besta Shipping Lines habang hindi nababayaran ang lahat ng mga kaanak ng mga naging biktima ng paglubog ng M/V Baleno 9.
Sa isang Media forum sa Maynila kahapon, sinabi ni RESAI Secretary General Retired Radio Officer Delfin Fariola na marami sa mga biktima ang humihingi ng tulong upang mabigyan ng katarungan ang kanilang mga mahal sa buhay na tuluyang nilamon ng karagatan at nais din ang kagyat na kabayaran.
Nasa 30 pasahero ang mga nawawala sa malagim na trahedya at anim ang kumpirmadong patay na hindi pa umano nakakatanggap ng bayad mula sa naturang kumpanya.
Dismayado din ang mga kaanak ng mga namatay dahil umano sa ayaw makipag-usap sa kanila ang may ari ng barko na si Mr. Pedro. Sa halip, kung sinu-sino lamang umano ang pinahaharap sa kanila tuwing pupunta sila sa opisina ng Besta Shipping Lines.
Nakakalungkot din umano ang pahayag ng Strong Hold Insurance Company na hindi sila ma aring magbayad sa mga nawawalang biktima sa loob ng isang taon matapos ideklarang patay na ang mga nangawalang biktima.
Sinisisi din ng mga nagrereklamong pasahero ang kapabayaan ng naturang kumpanya kaugnay sa hindi paglalagay ng mga pangalan ng mga pasahero sa tunay na manifesto ng barko bago umalis ng pantalan.
Magugunita na binalot ng lagim ang karagatan ng Isla Verde sa Batangas City matapos lumubog ang M/V Baleno 9 noong Disyembre 26. (Mer Layson)