MANILA, Philippines - Umarangkada na rin sa pangangampanya sina Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo”Teodoro at runningmate nito na si dating Optical Media Board chairman/actor Edu Manzano kasama ang anim na senatorial candidates ng partido kahapon.
Isinagawa ang proclamation rally sa Ynares Center sa Antipolo City kung saan itinaas nina Interior and Local Government Secretary Ronnie Puno, Executive Secretary Eduardo Ermita, Lakas Kampi President Sarangani Gov. Miguel Rene Dominguez at Speaker Prospero Nograles ang kamay nina Teodoro at Manzano.
Nagbigay din ng suporta sina Antipolo Rep. Robbie Puno, Presidential adviser for political affairs at ex-congressman Butch Pichay, Rizal Gov. Jun Ynares at Antipolo Mayor Danilo Leyble.
Naiproklama rin na senatorial candidates ng administrasyon sina reelectionist senators Bong Revilla at Lito Lapid, lawyer Raul Lambino, outgoing Cabinet Secretary Silvestre Bello III, broadcaster Rey Langit at Binalonan Mayor Ramon Guico.
Umaabot sa 10,000-15,000 supporters ang dumagsa sa naturang lugar na nagsimula dakong alas-4 ng hapon. Anila, madami ang naniniwala sa kapasidad ni Teodoro na mamuno sa bansa.
Sinabi rin ni Pichay, magsisilbing campaign manager ng Lakas, na sigurado ang bansa sa kandidatura ni Gibo na kayang isulong ang mga programa para sa kinabukasan ng bayan kaya’t hindi na dapat sumugal pa ang tinatayang may 49.9 botanteng Pinoy.
Ilang linggo bago pa man nagsimula ang official campaign period, sunod-sunod na ang naging pagpahayag ng solidong suporta kay Gibo tulad ng “Solid North”.
Sa Argao, Cebu, mahigit 30 gobernador at mayor sa tatlong rehiyong bumubuo ng Visayas - ang Western, Central at Eastern Visayas - ang lumagda sa magkahiwalay na manifesto na nagdedeklara ng kanilang buong suporta para sa kandidatura ni Gibo. (Butch Quejada/Mer Layson/Rudy Andal/Joy Cantos)