MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ang 90 araw na kampanya ng iba’t-ibang political party para sa national election gamit ang kani-kanilang mga gimik para mapansin ng mga botante.
Dakong alas-4:00 pa lang ng umaga ay dumagsa na ang libu-libong supporters ni Bangon Pilipinas standard bearer Bro. Eddie Villanueva sa Luneta Grandstand, Manila para sa proclamation rally nito kung saan nangakong anim na taong walang korupsiyon sa bansa kasabay ang paglalatag ng watawat ng Pilipinas na may laking 180x92 metro at bigat na 3.8 tons.
Ipinaliwanag ni Villanueva na simbolo ng pag-asa ang nasabing paglaladlad ng bandila. Kasama sa pagtitipon sina Perfecto Yasay, running mate ni Villanueva, gayundin ang pito nitong senatorial bets na sina Zafrullah Alonto, Kata Innocencio, Ramoncito Ocampo, Reynaldo Princesa, Alex Tinsay, Israel Virgines, at Adz Nikabulin. Dito ay hinugasan ng mga kandidato ang paa ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang sector para isabuhay ang pagpapakita ng kababaang-loob.
Samantala, pagmo-motorcade naman ang panimulang kampanya ng Nacionalista Party sa ilang bayan sa Laguna ngunit hindi nakarating dito si presidential bet Manny Villar at Sen. Loren Legarda habang walong senatorial candidates lang ng partido ang nakarating.
Ayon sa NP, mas pinili nitong simulan ang kampanya sa Laguna dahil ito ang bayan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Sa isang misa naman sa Tarlac sinimulan ng Liberal Party ang pangangampanya nito dahil ito ang probinsiya ni Senator Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ang misa ay idinaos sa Immaculate Concepcion Church sa Concepcion,Tarlac at dinaluhan ng daang bilang ng mga supporters ni Aquino na pawang mga nakasuot ng kulay dilaw.
Inamin ni Aquino na isang mabigat na laban ang kanyang kinakaharap kaya kailangan niyang lumapit sa Dios.
Kasama ni Aquino ang kanyang runningmate na si Sen. Mar Roxas at mga senatorial candidates nito. Pagkatapos ng misa, naglakad sina Aquino sa kalapit na palengke.
Sa Cavite naman unang nangampanya sina Senator Richard Gordon at dating Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman at Bagumbayan Party standard bearer Bayani Fernando sakay ni “Optimus Prime” na isang 10-wheeler Isuzu truck.
Iginiit nina Gordon at Bayani na dapat lang silang tawaging “Transformers” dahil nabago at napaganda nila ang mga lugar na dating magulo at madumi. Tumuloy sa Imus Plaza ang grupo nina Gordon at Bayani dakong alas-5 ng hapon.
Isang tahimik na pangangampanya naman ang ginawa ng Ang Kapatiran party sa Olongapo City sa pangunguna ng standard bearer na si John Carlos delos Reyes kung saan nakasuot ng mascara ang mga ito at nakasulat sa t-shirt ang plataporma nito.