Kampanya simula na
MANILA, Philippines - Sa pagsisimula kaninang hatinggabi ng kampanya sa pambansang halalan, nanawagan ang Commission on Elections sa mga kandidato na sundin ang mga kaukulang panuntunan tulad ng paglalagay ng campaign materials sa mga itinakdang common poster area.
Ginawa ng Comelec ang panawagan bunsod ng inaasahang mga gimik ng mga kandidato sa pagpapakalat ng kanilang makukulay na poster, banner at streamer sa mga lansangan at ibang pampublikong lugar sa panahon ng kampanya.
Hinikayat ni Comelec Spokesman James Arthur Jimenez ang publiko na tumawag sa kanilang hotlines na 5259294 at 5259301 at isumbong ang mga kandidatong lumalabag sa patakaran sa kampanya.
Nilinaw naman ng Comelec na hindi nila tinutukoy na common poster area ang mga poste, puno, pader o gusali ng isang public structure na aktibong ginagamit kundi ang mga strukturang pansamantalang inilagay ng kandidato o political parties para sa eksklusibong paglalagay ng kanilang compaign posters. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending